Sugatan ang 26-anyos na lalaki matapos masangkot sa isang aksidente sa bayan ng San Manuel.
Nangyari ito kamakailan bandang alas-7 ng gabi sa parte ng San Manuel-Binalonan Road, Brgy. Sto. Domingo sa nasabing bayan.
Sangkot sa insidente ang isang van na minamaneho ng isang 18 anyos na lalaki na isang estudyante at residente sa nasabing barangay at isang itim na motorsiklo na walang plaka na minamaneho naman ng nasugatan na isang security guard at residente ng Brgy. San Bonifacio sa nasabing bayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang van ay galing sa Cabalse residence at pakanan na sana papuntang San Manuel-Binalonan road, patungo sa kanluran.
Kasabay nito, ang motorsiklo na patungo naman sa silangan sa parehong kalsada ay bumangga sa kaliwang harapan ng van. Dahil dito, bumagsak ang motorsiklo sa kalsada.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng motorsiklo at dinala sa Rural Health Unit (RHU) sa bayan para sa paggamot.
Samantala, ang driver ng van ay hindi nasaktan at ang mga nasirang sasakyan ay nasa kustodiya na ngayon ng San Manuel Police Station.