Dagupan City – Arestado ang isang 26-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Mangaldan Police Station sa Barangay Banaoang kahapon.
Batay sa ulat ng pulisya, pinangunahan ng Intelligence Unit at Drug Enforcement Team ng Mangaldan Police, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 1, ang operasyon laban sa ilegal na droga. Target ng operasyon ang suspek na residente ng nasabing barangay.
Sa isinagawang transaksiyon, isang sachet ng hinihinalang shabu ang naibenta umano ng suspek sa poseur-buyer.
Ang nakumpiskang ebidensiya ay tinatayang may bigat na 0.5 gramo at may standard drug price na 3,400 piso.
Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensiya sa lugar mismo ng operasyon.
Dinala ang suspek sa Mangaldan Police Station para sa dokumentasyon at nakatakdang sumailalim sa pisikal at medikal na eksaminasyon sa isang ospital sa Mapandan.
Isusumite naman ang mga nakumpiskang hinihinalang droga sa forensic unit sa Urdaneta City para sa pagsusuri sa laboratoryo.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










