Patuloy na nakararanas ng pagbaha ang lungsod ng Dagupan dahil sa walang tigil na pag-ulan, pagtaas ng tubig sa mga ilog, at mataas na high tide.

Nasa 25 mula sa 31 Barangay ng Lungsod ang kasalukuyang binabaha.

Ayon kay Cyril C. Cendaña, DRRM Officer ng Dagupan City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO, nasa above critical level na ang Sinukalan River, na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng tubig sa lungsod.

--Ads--

Sa kasalukuyan, 12 barangay na ang may mga residenteng lumikas, habang 13 evacuation center naman ang nakabukas para sa mga apektadong pamilya.

Umabot na sa 219 pamilya o 853 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation centers.

Kabilang sa mga barangay na may evacuees ang Barangay Bacayao Norte, Bacayao Sur, Bonuan Binloc, Bonuan Guiset, Calmay, Caranglaan, Herro-Perez, Lasip Grande, Malued, Mayombo, Pugo Chico, at Salapinggo.

Ayon kay Cendaña, posible pang madagdagan ang bilang ng mga lilikas dahil patuloy pa rin ang pag-ulan.

Patuloy rin umanong nagtumataas ang Pantal at Sinukalan River, habang inaasahan namang mataas ang high tide sa mga susunod na araw.

Naka-red alert status na rin ang Dagupan CDRRMO, kung saan naka-full force ang mga tauhan upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga residente at tumulong sa paglilikas.

Nagbabala rin ang CDRRMO sa mga residente, partikular sa mga nakatira sa island barangays, na manatiling mapagmatyag at agad na makipag-ugnayan sa mga awtoridad sakaling lumala ang pagbaha.

Pinayuhan naman ang mga motorista na iwasang gamitin ang mga mabababang sasakyan o light vehicles sa mga lugar na binabaha.

Hinikayat din ang publiko na alamin muna sa mga awtoridad kung alin ang mga kalsadang ligtas at passable.

Dahil patuloy ang pag-ulan at pagtaas ng tubig sa mga ilog, patuloy namang mino-monitor ng Dagupan CDRRMO ang sitwasyon at nakahanda itong magsagawa ng karagdagang paglikas kung kinakailangan.