Dagupan City – Arestado ang isang dalawampu’t limang taong gulang na lalaki matapos magpositibo ang ipinatupad na search warrant sa kanyang tirahan sa bayan ng San Jacinto.
Ayon sa ulat ng pulisya, pasado alas-tres ng madaling araw nang isilbi ng mga awtoridad ang search warrant sa isang bahay sa Barangay Casibong.
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska sa loob ng bahay ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 8.81 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱59,908.
Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, narekober din ng mga awtoridad ang ilang drug paraphernalia na ginagamit umano sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Hindi umano naabutan ang suspek sa mismong oras ng implementasyon ng search warrant. Gayunman, nagsilbing saksi sa operasyon ang ama ng suspek bilang pagsunod sa itinakdang legal na proseso.
Isinailalim na sa tamang dokumentasyon at laboratory examination ang mga nakumpiskang ebidensya. Samantala, haharap ang suspek sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may iba pang sangkot sa nasabing ilegal na aktibidad.










