DAGUPAN CITY- Nagkaloob ang Department of Energy (DOE) at National Power Corporation (NAPOCOR) ng mga portable photovoltaic solar home system sa ilalim ng Total Electrification Project 2 (TEP-2) sa bayan ng San Nicolas, Pangasinan, upang matugunan ang pangangailangan ng kuryente ng mga katutubong pamayanan.
Ipinahayag ni Forester Emannuel Umali, OIC–Senior Department Manager ng Resource Management Services, na layunin ng programa na maipailaw ang lahat ng isla sa buong bansa at mabigyan ng elektrisidad ang mga naninirahan sa kabundukan na matagal nang walang access sa kuryente.
Naitala na may kabuuang 1,111 na unit ng portable solar power ang naangkat para sa mga benepisyaryo, kabilang na ang 24 na validated recipients mula sa Pangasinan.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan ang ahensya sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at mga tribal leaders upang matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo batay sa pamantayang kawalan ng kuryente, kawalan ng serbisyo, at hindi pa nakaranas ng elektrisidad.
Inaasahang tatagal ng hanggang 20 taon ang mga solar panel at taunang ipatutupad ang proyekto sa iba’t ibang lugar ng bansa.
Malugod namang tinanggap ng mga katutubo ang ipinamahaging solar panels.
Ayon kay Marissa Domolag, Barangay Indigenous Peoples Mandatory Representative, malaking tulong ito sa kanilang kabuhayan, pag-aaral ng mga bata, at sa pag-unlad ng komunidad.
Isa sa mga benepisyaryo, si Elena Atiw mula Sitio Mayongdot, Barangay Fianza, ang nagsabi na malaki ang pagbabago sa kanilang pamumuhay dahil sa mga solar panel dahil dati ay lampara lamang ang gamit nila tuwing gabi.
Tiniyak din niyang iingatan nila ang kagamitan upang mapakinabangan nang mas matagal.
Sa ngayon, nananatiling marami pang pamilyang katutubo ang hindi pa nabibigyan ng elektrisidad, ngunit patuloy ang pag-asa na maaabot din sila ng mga susunod na yugto ng proyekto.