Dagupan City – “Sobrang saya ko dahil nagbunga ang mga pinaghirapan ko.”

Ito ang ibinahagi ni Victor Nuñez Cayago, Top 10 ng May 2024 Licensure Examination for Certified Public Accountants sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.

Pag-amin nito, bagama’t bata pa lamang ay maituturing ng isa siyang academic achievern, ay mayroon pa rin itong naramdamang pagkabahala dahil maski siya ay nabigla rin sa mga lumabas na katanungan sa pagsususlit.
Patungkol naman sa kaniyang naging preparasyon, sinabi nito na hindi naging madali ang proseso at iginugol talaga nito ang kaniyang oras sa pagre-review.

--Ads--

Itinatak naman na aniya sa kaniyang kaisipan ang bilin sa kaniya ng kaniyang professor noong panahong siya ay nasa 2nd-year college pa lamang kung saan ay habang nag-aaral ay mag-review na para sa licensure examination.

Nauna naman nang sinabi ni Cayago na hindi nito kagustuhan ang kurso noong umpisa at mga magulang lamang niya ang nagsabi na kunin ang naturang kurso, ngunit habang tumatagal, doon nito napagtanto na napapamahal na rin ito sa kaniyang kurso.

Ipinaabot naman nito ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang pamilya, mga guro at sa mga kaibigan, dahil sa patuloy na suportang ibinibigay sa kaniya.

Sa kasalukuyan, plano nito na pumasok sa audit team sa bansa upang mas malinang pa ang kaniyang kaalaman sa kakayahan sa kaniyang propesyon.

Payo naman nito sa mga mag-tatake ng eksaminasyon, galingan lamang para makamit ang hinahangad na lisensya.
Si Victor ay isang 23-anyos na lalaki na naninirahan mula sa syudad ng Dagupan.