Mga kabombo! Marami nga sa generation Z ngayon ang binabansagang “workaholic!”
Karamihan kasi sa kanila, pinipiling magtrabaho kaysa mag-asawa na dahil sa ayaw maging isang kahid-isang tuka ang kanilang future!
Ngunit, paano na lamang kung malaman mong isang Generation Z din ngayon ang mukhang hindi na problema ang pera? Ito ang nakamamangha, dahil ang pera nito’y hindi mula sa kaniyang mga magulang kundi – mula sa kaniyang serbisyo?
Ayon sa ulat, kinilala itong si Pavel Stepchenko, 23-anyos na lalaki mula Donetsk sa Russia. Kung saan, maaga umano siyang nagretiro at tumatanggap ng pensiyon!
Si Stepchenko kasi ay pumasok sa Russian Ministry of Internal Affairs sa edad na 16. Matapos ang limang taong pag-aaral, agad siyang nagsimula sa serbisyo sa ahensiya.
Ngunit sa loob lamang ng dalawang taon ng pagtatrabaho, siya ay opisyal nang nagretiro, dahilan upang makuha niya ang titulo bilang “youngest pensioner” ng bansa.
Maagang nakapagretiro si Stepchenko dahil sa isang espesyal na probisyon sa batas ng Russia. Ayon sa panuntunang ito, tuwing may martial law, ang bawat buwan ng serbisyo ay binibilang bilang tatlong buwan ng credited length of service.
Dahil dito, sa loob lamang ng dalawang taon ng aktwal na pagtatrabaho, nakuha niya ang katumbas ng anim na taong serbisyo, na sapat upang maging kuwalipikado para sa maagang pagreretiro na may buong pensiyon.
Ang kanyang record ay kinumpirma naman ng International Record Registration Agency na INTERRECORD at isinama sa “Book of Records of Russia.”
Sa kabila ng nakamamanghang record ni Stepchenko, ibinahagi ng ilang nitezens ang kanilang komento na ito raw ang loophole sa sistema.