Dagupan City – Umabot sa 221 residente ng Dagupan ang nakatanggap ng libreng serbisyong dental sa isinagawang medical outreach na layong matugunan ang pangangailangan ng mga indigent beneficiary sa lungsod.
Ayon sa mga tagapag-organisa, bahagi ito ng patuloy na kampanya upang mapalawak ang access sa serbisyong pangkalusugan sa komunidad.
Batay sa tala, 120 indibidwal ang sumailalim sa tooth cleaning, 52 ang nabigyan ng tooth filling o pasta, at 49 naman ang sumailalim sa tooth extraction.
Isinagawa ang mga serbisyong ito sa ilalim ng pangangasiwa ng mga lisensyadong dentista at katuwang ang mga health personnel ng lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente.
Naging katuwang sa aktibidad ang hanay ng mga dental professional mula sa iba’t ibang organisasyon, kabilang ang International College of Dentists at ang Pangasinan Dental Association, sa koordinasyon ng City Health Office.
Ayon sa mga opisyal, mahalaga ang ganitong mga inisyatiba upang maabot ang mga sektor na may limitadong kakayahang makapagpagamot.
Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na samantalahin ang mga programang pangkalusugan na inilulunsad sa lungsod.
Tiniyak din ng mga kinauukulan na magkakaroon pa ng kahalintulad na mga aktibidad upang higit pang mapalakas ang serbisyong medikal para sa mga residente.










