DAGUPAN, CITY— Nauwi sa kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 22 anyos na misis matapos na pagsasaksakin ng kaniyang mister sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Urbiztondo.
Ayon kay Urbiztondo PNP chief P/Major Michael Datuin, agad na pinuntahan ng kapulisan ang natanggap na tawag mula sa mga opisyal ng barangay Gueteb hinggil sa nangyaring stabbing incident kung saan kinilala ang suspek na si Melvin Aquino Castro na isang handicraft maker at biktima na si Irene Castro.
Sa pinangyarihan ng krimen, tumambad ang katawan ng biktima na nakahandusay sa sahig sa loob ng kanilang bahay na balot ng dugo matapos na magtamo ng siyam na saksak sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan kung saan narekober din ang ginamit ng suspek na itak sa pananaksak.
Bago ang insidente, umalis ang biktima at nanirahan sa kanilang bahay sa Barangay Calobaoan, San Carlos City.
Kalaunan, pumunta ang biktima sa kanilang bahay para magbigay ng pagkain dahil bisperas ng pasko at naabutan ang kaniyang asawa at nagkaroon ng pag-aaway na nauwi sa pananaksak.
Ayon sa witness ay nakarinig aniya siya ng sigawan saka nakitang lumabas ang suspek na mayroong saksak sa tiyan habang nakita aniyang nakahandusay na at tadtad ng saksak ang biktima na agad namang dinala ng kamaganak ng suspek sa pagamutan.
Nais umano ng biktima na makipaghiwalay na sa kaniyang mister dahil sa nararanasang pambubugbog na nakikita namang motibo ng suspek sa paggawa ng krimen.
Naulila ng biktima ang tatlong anak na kasalukuyang nasa pangangalaga ng kaniyang ina habang kinasuhan na ng parricide ang naturang suspek. (with reports from: Bombo Everly Rico)