Dead-on-arrival ang isang 22-anyos na lalaki matapos bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang puno sa gilid ng provincial road sa Barangay Tandoc, sa syudad ng San Carlos.

Ayon kay ni Plt. Col. Zaldy Fuentes, hepe ng San Carlos City Police Station, kinilala ang biktima na si “Lenard”, residente ng Barangay Papagueyan.

Batay sa imbestigasyon, habang nagmamaneho, nawalan umano siya ng kontrol sa manibela. Dahil dito, sumalpok ang motorsiklo sa puno sa gilid ng kalsada at tuluyang pumasok sa kanal.

--Ads--

Ayon sa mga awtoridad, walang lisensya at hindi nakasuot ng helmet si Lenard nang maganap ang aksidente.

Lumalabas din sa imbestigasyon na nakainom ng alak ang biktima bago ang insidente.

Ayon sa mga kamag-anak, nakipag-inuman umano siya sa kanilang bahay at lumabas upang bumili ng lugaw, ngunit hindi na ito nakabalik matapos ang aksidente.

Bagaman maliwanag ang lugar dahil sa mga street lights at maluwag ang kalsada, nakuhanan sa CCTV na mabilis ang takbo ng motorsiklo, isang posibleng dahilan ng pagkabangga.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at isinugod si Lenard sa Ospital, subalit idineklara siyang Dead on Arrival.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na huwag magmaneho nang nakainom ng alak, laging magsuot ng helmet, at tiyaking may kaukulang lisensya bago bumiyahe upang maiwasan ang ganitong mga trahedya sa kalsada.