DAGUPAN CITY– Nakapagtala ng 21 panibagong kaso ng covid 19 dito sa lalawigan ng Pangasinan kahapon.

Ayon sa Provincial Health Office (PHO), dalawa rin ang naitalang nasawi habang 22 ang gumaling.

Ang mga nasawi ay kinabibilangan ng 28 anyos na lalaki mula sa bayan ng Sual at 63 anyos na lalaki mula sa bayan ng Sison.

--Ads--

Sa kabuoan ay mayroon nang 1,346 ang kumpirmadong kaso sa Pangasinan. Sa nasabing bilang ay 872 na ang gumaling, 425 ang nananatili sa pagamutan at 49 na ang nasawi.

Samantala nakatakdang isailalim sa modified Enhanced Community Quarantine ang buong bayan ng Anda simula ngayong araw sa loob ng 14 na araw dahil sa pagtaas ng kaso ng covid 19.

Ito ay alinsunod sa executive order na inilabas ni municipal mayor Joganie Rarang.

Layunin nito na paigtingin ang pag iingat ng publiko upang mapigilan pa ang pagkalat ng virus na dulot ng pandemya.

Muling pinaalalahanan ng mga otoridad ang publiko na sumunod sa health protocols. Maging alisto sa lahat ng oras upang malabanan ang covid 19.