Umabot na sa 21 sa 24 na barangay ng Calasiao ang apektado ng pagbaha bunsod ng patuloy na pag-ulan.

Ayon kay Calasiao Mayor Patrick Caramat, patuloy ang kanilang pag-iikot at inspeksyon upang matukoy ang mga sanhi ng pagbaha at makapaglatag ng pangmatagalang solusyon sa problema.

Sinabi ng alkalde na mahigit isang taon na nilang isinusulong ang mga hakbang tulad ng desiltation o pagtanggal ng naipong putik sa ilog, pagsasaayos ng drainage system at paglilinis ng mga daluyan ng tubig.

--Ads--

Sa kanilang mga isinagawang inspeksyon, isa sa mga pangunahing problema na nakita ng lokal na pamahalaan ang magkakadikit na drainage system at kawalan ng maayos na daluyan ng tubig, dahilan upang hindi agad makalabas ang tubig sa ilang lugar.

Ayon kay Caramat, batay sa kanilang DROMIC report, maaari nang magkaroon ng basehan upang ideklara ang state of calamity sa Calasiao.

Gayunman, sinabi niyang kaya pa sa ngayon ng budget ng lokal na pamahalaan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga residenteng apektado ng baha.

Dahil dito, hindi pa umano sila magdedeklara ng state of calamity hangga’t patuloy pang nakakayanan ng LGU ang sitwasyon.

Patuloy naman ang monitoring ng lokal na pamahalaan at naka-activate ang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council o BDRRMC sa mga barangay na apektado.

Masusing binabantayan din umano ang mga tahanan ng mga residenteng lumikas patungo sa evacuation centers.

Ayon pa kay Caramat, kaagapay ng Calasiao ang provincial government sa paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa problema sa pagbaha.

Nagpasalamat naman ang alkalde sa mga residenteng agad na nagtungo sa evacuation centers nang magkaroon ng banta ng pagbaha.

Ayon kay Caramat, patunay ito ng patuloy na pagtitiwala ng mga residente sa lokal na pamahalaan at sa mga hakbang nitong inilalatag para sa kanilang kaligtasan.

Tiniyak ng alkalde, kasama ang kanyang mga kapwa opisyal, na pangangalagaan nila ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng evacuees habang nananatili ang mga ito sa evacuation centers.

Nakaantabay din umano ang mga kapulisan at mga kawani ng lokal na pamahalaan para sa seguridad at agarang pagtugon sa anumang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.