Iprinesenta at opisyal na ipinasa ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Pamahalaang Lungsod ng San Carlos ang resulta ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) sa isinagawang Data Turnover Ceremony kamakailan, sa ilalim ng temang “Swak na datos para sa komunidad na mas maayos.”
Pinangunahan ng City Planning and Development Office ang aktibidad na layuning gawing gabay sa pagba-budget, pagpaplano, at paggawa ng mga polisiya ang mga datos mula sa CBMS. Sa pamamagitan nito, mas mauunawaan ng lokal na pamahalaan ang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga mamamayan ng San Carlos, na magiging batayan sa pagbuo ng mga programang tumutugon sa aktuwal na pangangailangan ng komunidad.
Ibinahagi ni Verna Palsimon, Senior Statistical Specialist ng PSA–Pangasinan, ang mahahalagang resulta ng 2024 CBMS. Sinundan ito ng paglagda sa Data Turnover Agreement (DTA) sa pagitan ng mga opisyal ng PSA at ng lokal na pamahalaan bilang simbolo ng pormal na pagtanggap sa dataset.
Kabilang sa mga dumalo sina Norman Ramos, LGOO VI ng DILG, Mary Jane Nerona, Provincial Head ng DICT Pangasinan, Virgilio Sison, Provincial Director ng DILG Pangasina, Joseph Severro, Statistical Specialist II ng PSA, at mga opisyal ng nasabing lungsod.
Ipinahayag ng mga lokal na opisyal ang kanilang suporta sa paggamit ng datos bilang paraan ng mahusay na pamamahala at sa patuloy na paghubog ng isang maunlad na syudad.










