Mga kabombo! Naranasan niyo na bang mawalan ng gamit dahil tinangay ito ng alon?

Minsan nga tuwing pumapasyal tayo sa dagat ay may nakikita pa tayong mga gamit gaya ng isang pirasong tsinelas na inanod na rin ng anod.

Pero paano na lamang kung makakita ka ng gamit na hindi lang isa kundi daan-daan?

--Ads--

Tila misteryo kasi ang bumabalot ngayon sa Ogmore-By-Sea beach sa South Wales matapos madiskubre ng mga volun­teers ang daan-daang pares ng “Victorian hobnailed boots” na bigla na lamang inanod sa dalampasigan.

Ayon sa ulat, nagsimula ang lahat habang naglilinis ng mga rock pools ang grupo ni Emma Lamport ng Beach Academy CIC nang makita nila ang mga itim na leather shoes na tinatayang mula pa noong 19th Century.

Sa loob lamang ng isang linggo, nakakolekta sila ng mahigit 200 piraso, at sa kabuuan ay umabot na sa 400 ang narekober na mga sapatos, na ang ilan ay nasa maayos pang kondisyon habang ang iba ay maliliit na tila pambata o pambabae noong unang panahon.

Ayon sa local historians, posibleng ang mga ito ay nagmula sa isang lumubog na Italian cargo vessel na bumangga sa malapit na “Tusker Rock” may 150 taon na ang nakararaan.

Na posibleng ang kargamento ng nasabing barko ay nabaon sa putikan ng ilog o sa ilalim ng dagat at ngayon lamang unti-unting lumalabas dahil sa pagkasira ng barko o pagbabago ng agos ng tubig.

Bagama’t itinuturing ito bilang “paalala mula sa nakaraan” ng mga historian, nagdulot ito ng kilabot at interes sa publiko dahil sa tila nakakakilabot na paglitaw­ ng mga personal na gamit ng mga taong matagal nang pumanaw sa dagat.