Nagbabala ang ilang ekonomista at labor groups hinggil sa malawakang epekto ng ipinataw na 20% taripa ng Estados Unidos sa ilang produkto mula sa Pilipinas, partikular sa sektor ng paggawa at mga pabrika na umaasa sa export markets.
Ayon kay Josua Mata- Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), malaki ang magiging epekto nito sa mga manggagawa, lalo na sa mga sektor na nakadepende sa produksyon para sa pag-export ng produkto patungong U.S.
Kung tataas ang taripa, hindi na magiging competitive ang presyo ng produkto ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado, dahilan upang mawalan ng interes ang mga mamimili at humina ang kita ng mga pabrika.
Sa kabila ng pagsisikap na makuha ang loob ng mga dayuhang mamumuhunan, nananatiling matumal ang pagpasok ng investors sa bansa.
Ito ay marahil na rin sa kakulangan ng reporma at matagal nang suliranin sa katiwalian.
Dagdag pa niya, ang problema ay hindi lamang sa kakulangan ng pondo kundi sa malawakang leakage o pagtagas ng pondo sanhi ng katiwalian.
Samantala, umaalma rin ang mga labor groups sa kakulangan ng suporta ng Kongreso para sa mga batas na makikinabang ang mga manggagawa.
Bagamat mas marami ang kanilang kinatawan ngayon sa 20th Congress, naniniwala siyang mas malakas pa rin ang impluwensiya ng mga grupo ng employers.
Kaya’t pagbabahagi ni Mata na ang tanging paraan upang magkaroon ng tunay na pagbabago ay ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa at publiko upang mapanagot ang mga mambabatas at tiyakin na ang mga polisiya ay nakatuon sa kapakanan ng mamamayan, hindi ng iilan.