Dagupan City – Inaresto ng mga tauhan Manaoag Municipal Police Station ang Isang 20-anyos na lalaki matapos matukoy na siya ang suspek sa pagnanakaw ng isang motorized tricycle.

Naganap ang motornapping nang iparada ng 56-anyos na vendor na biktima ang kanyang tricycle sa likuran ng Sports Complex ng bayan nang hindi ito binantayan, at matuklasan naman niya itong nawawala noong mga alas-diyes ng umaga kaya dumako ito sa pulisya para sa agarang tulong.

Batay sa ulat ng isang saksi naman mula sa Sta. Barbara na nakita ang suspek na naglilibot sa lugar kasama ang isa pang lalaki.

--Ads--

Dahil dito, nagsagawa ang pulisya ng hot pursuit operation at nakuha ang tricycle sa tahanan mismo ng suspek bandang hapon.

Natagpuan ang tricycle na nakaparada sa harap ng bahay ng suspek, ngunit ang sidecar nito ay hindi pa natatagpuan.

Positibong kinilala ng biktima ang nakuhang tricycle at ipinakita ang kanyang Certificate of Registration bilang patunay ng pagmamay-ari.

Samantala,dinala ng mga pulis ang suspek pati na rin ang nakuhang sasakyan sa Manaoag MPS para sa tamang paghawak ng kaso.

Patuloy pa naman na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Manaoag MPS para matukoy kung may iba pang kasangkot sa insidente at para hanapin pa ang nawawalang sidecar ng tricycle.