Mga kabombo! Ano ba ang kaya mong gawin para sa pustahan?
Kaya mo bang itaya ang sarili mong kalusugan para lamang hindi matalo?
Mistulang ito kasi ang nangibabaw sa isang 20-anyos na lalaki sa Russia. Paano ba naman kasi, nagkaroon ito ng kidney malfunction matapos subukan ang isang matinding fitness challenge na gumawa ng 2,000 squats nang walang pahinga!
Agad naman itong kumasa sa hamon ng kaniyang kaibigan. Ngunit, sinong mag-aakala na sa isang simpleng pustahan ay mauuwi pala sa isang trahedya.
Ayon sa ulat, kumpiyansa kasi ang binata na magagawa niya ang challenge lalo na’t hindi naman ito bago sa matinding physical activities. Ngunit hindi nagtagal, bumaliktad ang sitwasyon. Makalipas lamang ang ilang oras matapos makagawa ng 2,000 squats, biglang namaga ang kanyang mga binti at nagkaroon siya ng matinding pananakit ng kalamnan, at ang kanyang ihi ay naging kulay brown.
Hanggang sa dumating sa puntong hindi na nga ito makaihi. Dahil dito, napilitan siyang humingi ng tulong medikal at agad sa hospital. Dito na napag-alaman na nagkaroon siya ng rhabdomyolysis. Isang kondisyon kung saan ang labis na pagkasira ng muscle tissue ay naglalabas ng toxins sa dugo, na maaaring magdulot ng malubhang pinsala sa mga kidney.
Sa kanyang kaso, lumabas sa mga pagsusuri na bumagsak na sa 50 percent ang kakayahan ng kanyang kidney na mag-filter ng dumi sa katawan. Kung hindi ito naagapan, maaaring humantong ito sa permanenteng kidney failure, sakit sa puso, o pagkamatay.
Sa kabutihang-palad, nagamot siya nang hindi na kinailangang sumailalim sa dialysis. Gayunpaman, hindi nangangahulugan na ligtas na siya, dagil ayon sa mga doktor, aabutin pa ng tatlong buwan hanggang isang taon bago siya tuluyang gumaling.
Dahil sa insidente, naglabas ng pahayag ang ospital upang bigyan ng babala ang publiko, lalo na ang mga mahihilig sa matinding physical activities. Bagaman may benepisyo ang regular na pag-eehersisyo, maaari rin itong magdulot ng mapanganib na komplikasyon kapag sobra at walang tamang gabay mula sa mga eksperto.