DAGUPAN CITY– Sumuko sa Pangsinan Police Provincial Office (PPO) ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang miyembro ng LGBTQIA+ Community sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.

Sumuko kasama ng kani-kanilang pamilya ang mga suspek na sina Isagani Dollaga, 17 anyos at Michael Orpano, 18 anyos , binata.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Ginang Analisa Orpano, ina ng suspek na si Michael, dahil sa labis na takot nagawa umano ng magpinsan na magtago pero ng makauwi na sila ay nagdesisyon ang kanilang pamilya na sila ay kusang isuko at tanggapin ang kaparusahang maaaring kaharapin ng kanilang mga anak dahil sa nagawang krimen.

--Ads--

Kuwento pa ni Ginang Analisa, tinulungan lamang umano ng 18 anyos na anak nito ang kaniyang pinsan na si Isagani, dahil sa pag-aaway nila ng biktimang si Jestoni “Jessa” Remiendo, waiter sa isang resort sa Brgy Patar.

Aniya, tinulungan ng 18 anyos na suspek ang pinsan nitong 17 anyos na noon ay dinaganan at kinagat pa umano ng biktima. Sa huli hindi na umano inakala ng anak ng ginang na babalikan pa ng pinsan niya ang biktima at gigilitan sa leeg.

Una rito, mabilis na nagpahayag ng pakondena ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa krimen.

Sa ipinalabas na pahayag ni CHR spokesperson, Atty Jacqueline Ann de Guia, hinikayat nito ang kapulisan na matiyak na maisisilbi ang hustisya sa mga naiwang kaanak ng biktima.

Aniya walang sinuman ang may karapatan na gawin ang ganoong uri ng karumal dumal na krimen.

Matatandaan na natagpuang wala ng buhay ang biktimang si Remiendo sa dalampasigan na ginilitan ng leeg at may sugat pa sa mata .