DAGUPAN, CITY— Hindi isinasantabi ang posibilidad na isang dahilan ang paputok sa nangyaring magkasunod na sunog sa bayan ng Lingayen sa bisperas at mismong araw ng bagong taon.
Ayon kay SFO1 Jaypee De Guzman, arson investigator ng BFP Lingayen, hindi maiiwasan ang pagpapaputok sa kasagsagan ng pagsalubong ng bagong taon kung kayat hanggang sa kasalukuyan aniya iniimbestigahan ang lahat ng posibleng pinagmulan sa naitalang mga sunog.
Naunang nakatanggap ng tawag dakong alas 11 pasado ng gabi ng bisperas ng bagong taon ang Lingayen Fire Station kung saan nirespondehan ang isang establishiyimento na pagmamay-ari ni Joe Ferrer sa barangay Pangapisan North.
Kaugnay nito, humingi ng augmentation ang Lingayen BFP mula sa karatig bayan sa Binmaley Fire station para sa back up kung saan umabot ng mahigt 30 minuto ang sunog at idineklarang fire out saktong alas12 ng umaga ng Jan. 1, 2020.
Wala namang naitalang nasawi at nasugatan sa insidente at tanging mga scrap na goma lamang ang natupok ng apoy.
Kalaunan, ilang minuto ang nakalilipas muling nakatanggap ng tawag ang BFP Lingayen at agad na nirespondehan dakong 12:30 ng umaga ang sumiklab na sunog sa barangay Tonton.
Natupok sa sunog ang dalawang kabahayan na pagmamay-ari nina Enriqueta Perez, 73 anyos at Gerald Aquino habang bahagyang nasunog naman ang bahay ng isang 54 anyos na principal na si Ma. Theresa Aquino.
Umabot ng isang oras ang pagapula sa apoy kung saan tumulong na rin ang mga Fire station mula Bugallon, Binmaley at Dagupan City at kalaunan idineklarang fire out dakong 1:30 na ng madaling araw.
Wala ding naitalang namatay at nasugatan sa naturang sunog dahil nakaligtas ang pamilyang nakatira sa natupok na bahay matapos na gisingin ng kanilang kapitbahay nang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag.
Gawa sa light materials na kahoy ang dalawang bahay kaya madaling natupok sa sunog. Hanggang sa kasalukuyan patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.
Ito ang unang residential fire incident na naitala ngayong taong 2021.