Posibleng ilikas ang dalawang sundalo ng Pilipinas na nakadestino sa BRP Sierra Madre matapos silang masugatan nang hampasin ng baton ng mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa Ayungin Shoal, West Philippine Sea kahapon.

Ayon kay Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Armed Forces of the Philippines (AFP) special spokesperson for West Philippine Sea, nakatakdang magtungo sa lugar ang isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) upang magsilbing saklolo sakaling kailanganing ilikas ang mga sugatang sundalo.

Sa kabila ng insidente, nananatiling mataas ang morale ng mga sundalong nakadestino sa BRP Sierra Madre.

--Ads--

Binigyang-diin ni Trinidad na ang China ang naunang lumapit at nagpalala ng sitwasyon, taliwas sa mga mapanlinlang na pahayag ng Beijing.

Ang insidente ay naganap matapos ang umano’y provocative actions ng CCG, na muling nagpakita ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Tiniyak ng AFP na patuloy na ipagtatanggol ng bansa ang soberanya nito, habang pinananatiling ligtas ang mga sundalo sa gitna ng lumalalang sigalot sa rehiyon.

Habang sa panig ng China, iginigiit nila na kampo ng mga Pinoy ang siyang umatake.