Kinumpirma ni Dr. Rhuel Bobbis, medical officer 4 ng DOH region 1 na dalawang frontliners ang panibagong nagpositibo sa COVID-19 sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Bobbis na ang dalawa ay pawang membro ng PNP, isang patrolman at isang police officer.
Ang karagdagang nagpositibo ay isang 24 anyos na lalaki at residente ng barangay Bacnar, siyudad ng San Carlos na nakadestino sa Pangasinan Provincial Office (PPO) sa bayan ng Lingayen habang ang isa pa ay isang 35 anyos na lalaki, residente ng bayan ng Binmaley at may travel history sa National capital Region.
Kapwa asymptomatic ang dalawang biktima.
Lumabas sa resulta ng kanilang swab test na sila ay positibo sa covid 19.
Samantala, subject din sa strict home quarantine ang miyembro ng pamilya ng bagong dalawang naitalang kaso.
Nai-deploy na rin ang contact tracing team at kasalukuyang inaalam ang listahan ng mga nakasalamuha ng dalawa.
Nag-request na rin ang lokal na pamahalaan na isailalim ang pamilya ng mga pasyente sa swab test.
Dagdag pa ni Bobbis, prerogative na ng mga LGU ng Binmaley at San Carlos kung isasailalim sa lockdown ang mga lugar na pinanggalingan ng dalawang frontliners na confirmed covid cases.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 101 ang total number ang kaso ng covid 19 sa region 1.