DAGUPAN CITY – Nasawi ang dalawang tao habang 14 ang nasa ospital dahil sa botulism outbreak sa Diamante, sa katimugang bahagi ng Italy.

Lahat ng biktima ay kumain, sa pagitan ng Agosto 1 hanggang Agosto 4, ng sandwich na may longganisa at broccoli sa mantika na binili mula sa isang street vendor, na pinaniniwalaang sanhi ng sakit.


Sa 14 na naospital, anim ang nasa intensive care unit (ICU).

--Ads--

Siyam na tao ang kasalukuyang iniimbestigahan sa pangyayari.

Bukod sa nagbebenta at mga gumawa ng pagkain, limang doktor ang iniimbestigahan rin dahil sa kabiguang matukoy ang sakit sa mga pasyenteng kalauna’y nasawi.

Ang Italy ang may pinakamaraming naiuulat na kaso ng botulism sa Europa, dahil sa tradisyon ng pagpepreserba ng gulay sa mantika gamit ang artisanal o manwal na paraan na isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkalat ng sakit.

Ang botulism ay dulot ng Clostridium botulinum, isang bakterya na gumagawa ng lasong sumisira sa nervous system ng katawan.

Tulad ng ipinapakita sa kaso sa Italy, maaari itong ikamatay kung hindi agad magagamot.

Hindi lamang ito nakukuha sa maling pag-iimbak ng pagkain; maaaring kaugnay din ito sa maling paggamit ng Botox injections, para sa cosmetic and medical purposes, at maaari ring tumama sa mga sanggol.