Nalunod ang dalawang menor de edad sa Angalacan River sa bayan ng Mangaldan dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rodolfo Corla, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa bayan ng Mangaldan kinilala ang mga biktima na sina Aliana Grace Biacan, 13 anyos at Jennifer Capua, 11 anyos at pawang residente ng barangay Poblacion, Mapandan.
Tatlo umano silang lumusong sa ilog para maligo at sa kabutihang palad ay nailigtas ang isa nilang kasamahan.
Ayon kay Corla, dakong ala 2:30 ng hapon, may tumawag na concerned citizen mula sa barangay Guesang at ipinaalam ang nangyaring pagkalunod ng dalawang bata.
Agad namang rumisponde ang water search ang rescue team at nilusong ang ilog na may lalim na lampas dalawang tao.
Nabatid na ang pinangyarihan ng insidente ay sa boundary ng Mangaldan at Mapandan.
Lumalabas na palaging nagtutungo sa lugar ang mga biktima sa kabila ng paalala at pagbabawal sa kanila na maligo sa lugar.
Giit ni Corla na mahigpit ang paalala nila sa publiko na iwasan ang paliligo sa nasabing ilog at sa ibang kailogan sa kanilang bayan.
Napag-alaman din na napakataas ng lebel ng tubig sa lugar dahil dumagdag dito ang tubig ulan na naranasan sa mga nagdaang araw.