Dalawang malalakas na bagyo ang sabay na nagpaparamdam ng matinding lakas sa magkabilang dulo ng Karagatang Pasipiko ngayong linggo matapos humagupit ang Hurricane Polo sa hilagang-kanlurang baybayin ng Mexico habang ganap na ring naging bagyo ang Hurricane Nolo papunta sa Hawaii.

Ayon sa US National Hurricane Center (NHC), lumakas ang Nolo bilang ganap na hurricane nitong Huwebes ng gabi at inaasahang magdudulot ng 15 hanggang 30 inches rainfall at banta ng delikadong pagbaha sa Big Island at Maui sa Hawaii.

Dahil sa tinatayang matinding epekto sa kaligtasan, naglabas na ng emergency proclamation ang gobernador ng Hawaii at nagpadala ng mahigit 230 miyembro ng National Guard kasabay ng pagsususpinde ng mga klase at paghahanda sa mga posibleng brownout.

--Ads--

Samantala, umabot naman sa kategorya 4 at 5 ang Hurricane Polo habang binabagtas ang baybayin ng Mexico, kung saan sinalanta ng malalaking alon at baha ang mga tahanan at negosyo sa lungsod ng Lazaro Cardenas.

Nagpadala na ng humigit-kumulang 15,000 security personnel ang pamahalaan ng Mexico sa mga lalawigan ng Guerrero at Michoacan upang mabilis na mailikas ang mga residenteng naninirahan sa mga baybayin at pampang na mataas ang peligro sa kalamidad.