Dalawang konduktor at isang driver dito sa lalawigan ng Pangasinan ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga na sumailalim sa random at voluntary drug testing na bahagi ng implementasyon ng “OPLAN HARABAS: ‘Drug Test Muna Bago Pasada’ ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dexter Asayco, Team Leader ng PDEA dito sa probinsiya, sinabi nito na inaasahan nilang zero o walang magpopositibo sa drug test subalit nakapagtala sila ng isang drayber at dalawang kondutor dito sa Pangasinan.

Ayon kay Asayco, isasailalim muna sa confirmatory test ang mga nakuhang specimen ng mga ito at kung magpositibo dito ay ieendorso sila sa Land Transportation Office para sa sanction na maaaring ipataw sa kanila.

--Ads--

Ilalagay din aniya ang mga ito sa drugs watchlist ng PDEA at PNP.

Ngunit nilinaw naman ni Asayco na hindi nila maaaring kasuhan ng criminal case driver at konduktor na positibo sa drug testing.