Dalawang katao ang nasawi habang apat hanggang limang iba pa ang nasugatan matapos ang pamamaril na naganap sa kasagsagan ng St. Clair Festival, isang Latin Salsa festival sa Toronto, Canada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ruth Marie Magalong, Bombo International News Correspondent sa Canada, nagdulot ng matinding kaguluhan ang insidente habang dinarayo ng maraming residente at turista ang naturang festival.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Toronto Police, pinaniniwalaang gang-related ang pamamaril.

--Ads--

Lumalabas din sa inisyal na impormasyon na magkakilala umano ang mga sangkot sa insidente habang ang isang suspek na pinaniniwalaang armado ang agad na naaresto at nasa kustodiya na ng pulisya.

Nilinaw naman ni Magalong na wala umanong Pilipinong nadamay sa pamamaril.

Aniya, karamihan sa mga dumalo sa naturang selebrasyon ay mula sa komunidad ng mga Latino.

Ipinaliwanag din niya na karaniwan ang mga street festival sa Canada tuwing summer season. Kabilang dito ang mga cultural celebration na tampok ang street dancing, live music, food fairs at iba pang outdoor activities dahil sa magandang panahon.

Matatandaang kamakailan lamang ay natapos din ang Filipino Festival sa ilang bahagi ng Canada. Bagama’t bukas sa publiko ang mga ganitong pagtitipon, sinabi ni Magalong na karaniwang nakahanda ang mga pulis sa mga venue kaya mabilis ang naging responde sa insidente sa Toronto.