Dagupan City – Umabot sa dalawang indibidwal ang nasawi dahil sa pagkalunod sa lalawigan ng Pangasinan nitong nakaraang Semana Santa ayon sa ulat ng Pangasinan Provincial Health Office (PHO).

Ayon kay Dr. Maria Vivian V. Espino ang officer in Charge ng nasabing opisina na kinilala ang mga biktima na isang 17-anyos na residente ng Bayambang na nalunod sa Maples River sa Aguilar, at isang 46-anyos na taga-Alaminos City na nalunod naman sa Balincaguing River sa Mabini.

Aniya na mas mababa ang naitalang kaswaldad na ito kumpara sa anim na naitala noong nakaraang taon.

--Ads--

Nasa kabuuang apat ang naging kaso ng pagkalunod sa ilang destinasyon sa lalawigan dahil myroon ding dalawang kaso ng “near drowning” ang naitala.

Sa kabilang banda, tumaas naman ang bilang ng mga kaso ng jellyfish sting at vehicular accidents sa lalawigan.

Umabot kasi sa 37 ang kaso ng jellyfish sting ngayong Abril, kumpara sa walo lamang noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga kaso ay naitala sa Lingayen, Alaminos city, at sa mga bayan sa kanlurang bahagi ng Pangasinan dahil sa kalapitan nito sa mga baybaying lugar na may mababaw at mabatong parte.

Saad ni Dr. Espino na karamihan sa mga biktima ay mga kabataan at mga nasa hustong gulang na.

Nasa 8 biktima lamang dito ang naospital dahil wala naman aniyang malubhang pinsala ang naranasan ng karamihan sa mga biktima

Inaasahan namang tataas pa ang bilang ng mga kaso ng jellyfish sting sa mga buwan ng Abril, Mayo, at Oktubre.

Sa vehicular incident naman ay umabot sa 75 ang bilang ngayong buwan kumpara sa 18 lamang noong nakaraang taon.

Karamihan sa mga aksidente ay naganap sa kanlurang bahagi o western part ng Pangasinan kasama din ang Manaoag at Lingayen.

Samantala, Nanawagan ang PHO sa publiko na maging maingat at mag-ingat upang maiwasan ang mga aksidente.

Patuloy naman ang pagmomonitor ng PHO sa mga kaso ng pagkalunod at iba pang mga insidente hanggang Mayo 1.