DAGUPAN CITY–Dalawa na ang naitalang kaso ng sakit na meningococcemia dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ito ang nabatid mula kay Dra. Ana Marie De Guzman, Provincial Health office Chief ng lalawigan, sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, noong buwan ng Enero naitala ang unang kaso nito sa bayan ng Basista habang naitala naman sa bayan ng Bayambang ang ikalawang kaso kung saan ikinasawi ito ng isa anim na taong gulang na bata.
Paliwanag ni Dra. De Guzman, kahit tinatawag na suspected case, itinuturing na itong clinically confirmed dahil ang hinihintay nalamang ay ang confirmation report mula sa Research Intstitute for Tropical Medicine (RITM).
Matatandaan na, agad na ipinalibing at hindi na nilamayan pa ang isang anim na taong gulang na bata pinakahuling biktima ng naturang sakit upang maiwasan ang pagkalat nito.
Sa kaso ng biktima, umabot na ang impeksyon sa utak dahilan ng pagkamatay nito. Agad namang pina-inum ng prophelaxis ang mga kaanak at iba pang nakasalamuhan ng bata.
Nilinaw naman ng Municipal Health Office ng Bayambang na isolated lamang ito at wala ng iba pang kaso na sumunod.
Sa kasalukuyan, ayon kay Dra. De Guzman, wala pang bakuna na naibibigay ang Department of Health (DOH) laban sa naturang sakit kaya’t ang kalinisan sa sarili at kapaligiran at pagpapalakas ng immune system ang pinakasusi upang maiwasan ang sakit na ito.
Ang Meningococcemia ay isang isang impeksyon na nakaka-apekto sa dugo at lubhang nakahahawa at nakamamatay kapag hindi nabigyan ng sapat na medikal na atensyon. Subalit ito naman ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng proper at healthy hygiene.