Tuluyan nang namaalam ang mga Japanese boxer na sina Shigetoshi Kotari at Hiromasa Urakawa matapos magtamo ng pinsala sa utak habang lumalaban sa parehong event na ginanap sa Korakuen Hall sa Tokyo noong Agosto 2, 2025.

Ayon sa ulat, sumabak ang 28 taong gulang na si Kotari sa 12-round bout kontra Oriental and Pacific Boxing Federation Junior Lightweight Champion Yamato Hata, na nagresulta sa draw o tabla.

Nawalan siya ng malay ilang sandali lang matapos ang laban.

--Ads--

Dahil dito, kinailangan siyang isailalim sa isang operasyon sa utak upang gamutin ang subdural hematoma, isang kondisyon kung saan may namuong dugo sa pagitan ng bungo at utak.

Hanggang nito lamang Biyernes, Agosto 8 inanunsyo ang kanyang pagpanaw.

“Rest in peace, Shigetoshi Kotari,” pahayag ng World Boxing Organization (WBO) sa post sa social media.

Samantala, pumanaw din nitong sabado si Urakawa, 28 taong gulang, matapos ding magtamo ng pinsala sa utak.

Natalo siya sa pamamagitan ng knockout laban kay Yoji Saito.

Dahil dito, kinailangan din siyang isailalim sa craniotomy upang gamutin ang subdural hematoma.

“The WBO mourns the passing of Japanese boxer Hiromasa Urakawa, who tragically succumbed to injuries sustained during his fight against Yoji Saito on August 2 at Korakuen Hall in Tokyo,” – WBO, Agosto 9, 2025.