Dagupan City – Isinulong ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) ang masusing pagbabantay laban sa pagbili at pagbebenta ng boto sa nalalapit na halalan.
Ayon kay PCol Rollyfer Capoquian, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office, isang malaking krimen ang paglabag sa batas na ito at mariin nilang kinokondena ang anumang anyo nito.
Aniya na gumagawa sila ng hakbang upang kahit papano ay mapigilan at mabawasan ang ganitong kalakaran sa tulong ng mga complainant na nagsusumbong sa kanilang opisina.
Bukod dito, pinaigting pa ng kanilang opisina ang mga operasyong maaring makatutok dito dahil sa paglaganap nito sa social media.
Marami na ring mga kaso ang naisampa ng COMELEC kaugnay nito sa ilang lugar sa buong bansa.
Bilang tugon, inilunsad nito ang kanyang programa na “2 Hour Habit” kung saan sabay-sabay na magpapatrolya ang mga tauhan ng pulisya gamit ang kanilang mga police mobile at motorsiklo sa iba’t ibang lugar sa probinsya partikular sa kani-kanilang nasasakupan ng dalawang oras lalo na sa madaling araw dahil ang oras na ito ay nakikitang madalas umanong maganap ang mga iligal na transaksyon.
Samantala, Kapag nakakatanggap naman sila ng mga ulat tungkol dito ay agad din nilang tinutugunan.
Kinukuhanan nila ng ebidensya ang mga complainant upang matiyak ang mabilis at maayos na pagresolba sa mga kaso.
Nanawagan si Capoquian sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at iulat ang anumang kaalaman tungkol sa pagbili at pagbebenta ng boto upang hindi maapakan ang integridad ng bawat botante ngayong eleksyon.
Samantala, nito lamang sabado ng madaling araw ay pormal nang natapos ang campaign period ng bawat kandidato mapalokal man o national kung saan hindi na sila papayagan na lumabas o umikot pa ngayong araw upang mangampanya dahil maituturing na itong election offense gayundin ang kanilang social media accounts.