Isang 32 anyos na babae ang nanakawan ng dalawang suspek na hindi pa nakikilala sa bayan ng Mapandan.

Kinilala ang biktima na si Jessica Caricungan, residente ng Brgy. Consolacion sa nasabing bayan, isang cashier sa isang pamilihan sa lungsod ng Urdaneta.

Siya rin ang nagreport sa kapulisan sa nangyaring insidente.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt. Jiji Centino – Deputy COP, Mapandan PNP, hinarang umano ang biktima habang sakay ang kanyang tricycle ng dalawang indibidwal sakay ang isang motorsiklo.

Ayon kay Caricungan, hindi niya kilala ang mga mga ito dahil nakatakip rin ang mga mukha ng mga nagnakaw sakanya.

Base sa imbestigasyon, habang umaandar ang sasakyan ng biktima ay sinusundan naman ito ng mga suspek, at dito nga ay hinarang siya.

Sinubukan umanong pigilin ng mga suspek ang takbo ng tricycle ngunit pinipilit din ng biktima na kumawala rito.

Sa huli ay naharang nga ang biktima at dito nga ay nakuha ang kanyang bag na naglalaman ng P25,000 na pera sa kanyang pinagtatrabahuan, P2,500 na kanyang sariling pera, 2 cellphone na nagkakahalaga ng P7,000, kanyang ATM Card, at kanyang mga ID.

Nagtamo naman ng sugat at galos ang biktima dahil sa pagkakatumba nito dahil sa insidente.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan upang makilala ang mga suspek.