Patay ang dalawang target drug personality matapos manlaban sa awtoridad sa ikinasang buy bust operation sa Barangay Oraan East sa bayan ng Manaoag, Pangasinan.
Kinilala ang mga napatay na sina Renzeil Sibelius, 32-anyos at Gervin Salbino, 30-anyos pawang mula sa Itogon, Benguet na nasa ilalim ng Coplan “V-SLICE” o priority target ng kapulisan na itinuturing na notorious drug peddlers na nagsusuplay ng iligal na droga sa Northern Luzon partikular sa Cordillera, Pangasinan at maging sa ilang lugar sa Metro Manila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay P/Major Herminio Olivares, OIC COP ng Manaoag PS, natunugan ng mga drug suspek na operatiba ng kapulisan ang kanilang katransaksyon kaya agad na pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis hanggang sa nagkabarilan ang magkabilang panig na ikinasawi ng dalawang target suspek habang wala namang nasugatan sa hanay ng kapulisan.
Narekober ang mga ginamit na baril ng mga suspek sa pinangyarihan ng engkwentro na isang caliber 38 revolver na naglalaman ng live ammunition at isang caliber 45 pistol na may magazine, mga basyo ng bala, isang sasakyan na ginamit ng mga suspek at humigit kumulang 3kgs ng marijuana leaves na may standrad drug price P360,000 na tinurnover na sa Crime Laboratory Office sa Urdaneta City.