Bagama’t unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa lalawigan matapos ang pananalasa ng bagyo, may ilang lugar pa ring nakakaranas ng pagbaha.
Ayon kay Vincent Chiu Operations Supervisor, Pangasinan PDRRMO, dalawa na lamang sa mga bayan ng lalawigan ang nananatiling binabaha, kabilang ang Calasiao at Bautista.
Sa Calasiao ay may kabuuang 12 barangay ang apektado habang 2 barangay pa sa bayan ng Bautista.
Ngunit patuloy naman na bumababa ang tubig-baha sa mga apektadong lugar, at inaasahang tuluyan na itong huhupa sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Chiu na karamihan sa mga evacuees sa lalawigan ay nakauwi na sa kanilang mga tahanan.
Samantala, nananatiling walang kuryente sa malaking bahagi ng western Pangasinan subalit tuloy-tuloy naman ang ginagawang hakbang para sa full restoration ng kuryente.
Sa ngayon, patuloy na hinihintay ng PDRRMO ang mga ulat kaugnay sa pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyo.
Tiniyak pa ni Chiu na handa ang kanilang tanggapan sa ganitong mga panahon, at sama-samang kumikilos ang kanilang mga personnel upang masigurong maayos ang pagtugon sa mga apektadong mamamayan.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na aktibo ang pamahalaang panlalawigan sa isinasagawang relief operations at ginagawa ng probinsya ang lahat upang masigurong nabibigyan ng tulong ang lahat ng nangangailangan.