Dagupan City – Nagtamo ng structural damage ang dalawang barko ng Pilipinas na nagsagawa ng resupply mission kaninang madaling araw.
Ito umano ang kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) matapos ang agresibong maneuver ng China Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea (WPS).
Batay sa ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea, nagkaroon ng sira ang BRP Bagacay at BRP Cape Engaño matapos ang hiwalay na pagbangga ng CCG vessels malapit sa Escoda Shoal.
Kung saan, lumalabas na unang nabutas ang deck ng BRP Cape Engaño kaninang pasado alas-3 ng madaling araw dahil sa maneuver ng CCGV-3104, bago naman ang nangyaring dalawang beses na pagbangga ng CCGV 21551 sa BRP Bagacay.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy pa rin ang misyon ng dalawang barko patungo sa Patag at Lawak Islands.
Bago pa man ang insidente, nagsumite ng diplomatic protest ang China dahil umano sa ilegal na pananatili ng PCG vessel BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal kahit ito ay nasa loob ito ng Philippine Exclusive Economic Zone.