DAGUPAN CITY- Maaari nang pakinabangan ng Barangay Alibeng at Killo ang bagong bukas na Rural Health Unit III o RHU III sa bayan ng Sison.

Dahil sa lokasyon ng mga barangay na mas malapit sa Pozorrubio at Binalonan kaysa sa bayan ng Sison mas magiging mabilis at madali na ang pag-access sa mga serbisyong pangkalusugan dito na hindi na aasa sa health center ng ibang bayan.

Hindi na kailangang bumiyahe pa ng malayo papunta sa mismong bayan ng Sison o sa kalapit na bayan ang mga residente dito dahil malapit na lamang ito.

--Ads--

Layunin ng lokal na pamahalaan na mailapit sa barangay ang mga serbisyong medikal sa mamamayan tungo sa isang malusog na komunidad.

Ang RHU III ay inaasahang magbibigay ng komprehensibong serbisyo, kasama na ang mga serbisyo ng mga espesyalista nakabantay at mabilis na tugon sa pamamagitan ng mga ambulansyang nakaantabay.

Katulad din nito ang RHU II sa Laud area o kanlurang bahagi ng Sison na nagsisilbi na sa walong barangay na dating nahihirapan ma-access ang mga serbisyong pangkalusugan.

Ipinapakita nito ang dedikasyon ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan at iparamdam ang pagpapahalaga at malasakit sa kanila.