DAGUPAN CITY- Inanunsyo ni Pangasinan Governor Ramon “Monmon” Guico III ang dalawang araw na suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa buong lalawigan. Epektibo ito mula Hulyo 24 hanggang Hulyo 25, 2025.
Ayon kay Gov. Guico, layon ng hakbang na ito na bigyang pagkakataon ang mga residente na makarekober mula sa epekto ng malalakas na pag-ulan at malawakang pagbaha.
Binigyang-diin ng gobernador na kinakailangan na ng long-term at provincewide solution upang masolusyunan ang paulit-ulit na problema sa pagbaha.
Kasama sa mga plano ng pamahalaang panlalawigan ang pagsusulong ng isang provincial ordinance para sa dredging o paghuhukay sa mga ilog at kanal upang mapabuti ang daloy ng tubig.
Kailangan din aniya ng malaking pondo para sa reconstruction ng mga drainage systems.
Hinihikayat ni Gov. Guico ang pakikipagtulungan ng mga kongresista upang maisulong ang mga kinakailangang programa at proyekto.