BOMBO DAGUPAN – Inalala ng isang Photojournalist ang 1990 killer earthquake na nangyari noong Hulyo 16 tatlumput apat na taon na ang nakalilipas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay JJ Landingin, Photojournalist noong July 16, 1990 Earthquake ay malakas na malakas ang dagundong noong araw na iyon kung saan ay inakala niya lamang na may dumaan na malaking truck sa kanilang kinaroroonan.
Aniya ay hindi lamang side to side ang naramdamang pagyanig bagkus ay paakyat pababa rin na para bang ika’y inaalog alog.
Kaakibat ng trahedyang ito ay dito rin ay nakita niya ang kabaitan at kasamaan ng mga tao kung saan ang mga nangangailangan ng tulong ay walang pag-aatubiling tinutulungan gaya na lamang kung kailangan ng masasakyan ay pwede kang sumabay sa mga dumadaan na sasakyan.
Samantala, hindi rin talaga maiiwasan ang mga mapagsamantalang mga tao kung saan nasiraan ka na nga ng bahay ay pagnanakawan ka pa.
Pagbabahagi niya na noong panahong iyon ay may humingi ng tulong sakanya upang balikan ang condominium ng kanyang tiyuhin ngunit pagkabalik nila doon ay nadatnan na lamang nila na nabutas na ang pintuan ng unit at ninakaw na ang mga laman.
Isa lamang ito sa mga pangyayaring aniya ay nagpapakita ng pangit na ugali ng tao bagamat ay may kinakaharap na ngang trahedya.
Kaugnay naman nito sa kasagsagan ng nasabing lindol habang siya ay nasa kanilang boarding house ay sinikap niyang makakuha ng mga litrato.
May mga telepono na noong panahong iyon subalit aniya ay mahal ang gumamit ng cellphone. Mabuti na lamang at may napakiusapan siyang tao na kung maari ay makitawag sa kanilang opisina sa maynila at maipadala ang mga litrato.
Laking pasasalamat niya nang mapick up at mailabas kinabukasan ang kaniyang kuha at doon ay nakita ng publiko ang naging malaking pinsala ng lindol sa lungsod ng Baguio.
Maraming mga gusali ang bumagsak at ang iba ay nanatili mang nakatayo subalit humina nga ang structure nito dahilan upang hindi na mapakinabangan pang muli.
Nagsilbi ang trahedyang ito bilang isang wake up call lalo na sa pagkakaroon ng concerted effort ang gobyerno sa paghahanda sa iba’t ibang kalamidad na maaaring maranasan.
Umaasa naman si Landingin na wag na sanang maulit ang ganitong pangyayari at nagpaalala din ito na dapat malaman ang pagsasagawa ng drop, cover and hold at ang paghahanda ng go bag sa panahon ng sakuna.