DAGUPAN CITY — Patuloy pa rin ang isinagawang rescue and retrieval operations ng mga awtoridad sa isang binatilyong PWD na nalunod sa isang beach sa bayan ng Binmaley, Pangasinan matapos itong tangayin ng malakas na alon.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Ludovico Ellazar, Jr., Officer-in-Charge ng Binmaley Municipal Police Station, sinabi nito na lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na kasama ng biktima na kinilalang si Ethan Luis Parucha, 19-anyos, isang deaf and mute PWD, at residente ng Brgy. Bonig, Pozzorubio, Pangasinan, ang kanyang mga pinsan nang magkayayaan ang mga ito na magtungo sa Binmaley Beach upang maligo.


Ani Ellazar na naliligo ang nasabing binatilyo sa Binmaley beach nang magbigay ng babala ang mga nakabantay na awtoridad patungkol sa nakataas na ‘No Swimming Policy’ sa lugar.

--Ads--


Sinubukan pa umano nilang tawagan ng pansin ang biktima, subalit sa kasamaang-palad, at dahil na rin sa kondisyon ng nito, ay hindi na niya narinig ang mga babala at naiwan umano itong mag-isa sa tubig hanggang sa tinangay na ito ng malakas na alon at tuluyan nang nalunod.

TINIG NI PLT.COL. LUDOVICO M. ELLAZAR, JR.

Samantala, sa kaugnay naman na panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rocky Abalos, MDRRMO Responder at isa sa mga sumubok na hanapin ang katawan ng biktima, sinabi nito na ginawa naman nila ang lahat ng kanilang makakaya upang sagipin ang biktima, subalit lubha silang nahirapan dahil sadyang malalaki ang mga alon sa dagat.


Dagdag pa niya na hindi naman sila nagkukulang sa mga paalala sa publiko kaugnay sa pagpapanatili sa kanilang kaligtasan.


Aniya na mayroon lamang talagang sadyang hindi marunong makinig sa mga paalala at babala, kaya hindi rin umano maiiwasan ang mga ganitong insidente kung patuloy na magmamatigas ng ulo ang mga publiko.


Maliban pa rito, binigyang-diin din ni Abalos na hindi nila kagustuhan na may malunod, subalit sadyang makukulit lamang ang mga bumibisita sa lugar at hindi sila nakikinig sa mga payo ng mga awtoridad.


Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na triplehin ang pag-iingat at kung magtutungo sa beach ay sana iwasan ang pagpunta sa malalim na bahagi ng tubig gayundin ang pagsunod sa mga ipinagbabawal para maiwasan ang anumang uri ng insidente.


Ito naman ang kauna-unahang insidente ng pagkalunod sa bayan ng Binmaley ngayong taong 2023.