Mga kabombo! Sabi nga nila inaalagaan ang mga aso para may bantay sa bahay kapag umalis ka. Pero, para sa ilang mga fur-parents, hindi rin pwedeng iwanan mag-isa ang aso.

Ang tanong, ano na lamang ang mararamdaman mo kapag nalaman mong ikaw ang naka-assign ngayon para bantayan ang inyong aso?

Magagalit ka rin ba at magtatanim ng hindi lang sama ng loob kundi, ng Bomb Threat?

--Ads--

Ito kasi ang ginawa ng isang 19-anyos na lalaki sa Michigan, U.S.A. matapos siyang magpadala ng pekeng bomb threat sa isang cruise ship kung saan nakasakay ang kanyang girlfriend!

Kinilala ng mga awtoridad ang boyfriend na ito na si Joshua Darrell Lowe, na umamin sa krimen matapos ma-trace ng FBI ang isang email na naglalaman ng babala ukol sa diumano’y bomba sa barkong Carnival Sunrise.

Napag-alaman din na nag-ugat umano ang kanyang aksiyon sa matinding tampo at selos, dahil naiwan siyang tagapag-alaga ng mga aso ng pa­milya ng kanyang nobya habang ang mga ito’y nag­bakasyon sa Caribbean patungong Jamaica noong Enero 2024.

Dahil sa banta, agad na nagsagawa nang malawa­kang seguridad ang cruise line. Mahigit 1,100 kuwarto ang pinainspeksiyon, habang pinagtulungan ng mga awto­ridad ng U.S. Coast Guard at ng mga opisyal sa Jamaica ang pag-escort sa barko pabalik sa daungan.

Ayon naman sa rekord ng korte, si Lowe ay naninirahan noon sa Muskegon County, Michigan, kasama ang pamilya ng nobya. Inamin niyang dala ng emosyon ang pag­papadala ng mensahe na kalauna’y nagdulot ng takot, abala, at aksiyon mula sa lokal at internasyonal na awtoridad.

Dahil naman sa ginawa, nahaharap si Lowe sa kasong false information and hoaxes, isang federal offense na may maximum penalty na limang taong pagkakabilanggo.