Mga kabombo! Kaya mo bang papasukin sa bahay mo ang isang kabayo?
Isang lalaki kasi sa Poland ang arestado matapos magnakaw ng kabayo at pilit na itinago sa 3rd floor ng apartment building!
Ito ang kinumpirma ng mga pulis sa Wejherowo, Poland matapos silang makatanggap ng sumbong na may isang lalaki na nag-aakyat ng kabayo sa residential building.
Ang akala ng mga pulis ay isa lamang itong prank call ngunit nang rumesponde sila sa ibinigay na address, laking gulat nila na totoo ang sumbong na kanilang natanggap.
Pagdating ng mga pulis sa apartment building, naabutan nila ang isang hindi pinangalanang 19-anyos na lalaki na nakikipagtalo sa ibang residente dahil pinagpipilitan niyang iakyat ang isang malaking kabayo sa kanyang unit na nasa 3rd floor.
Ditona napag-alaman na hindi pagmamay-ari ng lalaki ang kabayo at ninakaw lamang niya ito.
Agad inaresto ang lalaki at ibinalik ang kabayo sa nagmamay-ari nito.
Tinatayang nasa P212,000 ang ninakaw na kabayo.
Nahaharap naman ang lalaki sa kasong theft at limang taon na pagkakakulong.










