Mga kabombo! Isa ba kayo sa mga mahilig gumamit ng cellphone?
Ang tanong paano ba ang estilo niyo o nakasanayang posisyon kapag gumagamit ng cellphone?
Isang 19-anyos na estudyante ang nagising na paralisado mula dibdib pababa dahil umano sa madalas na paggamit ng cell phone nang nakayuko!
Kinilala ang binatilyo na si Xiao Dong, isang estudyante sa Quanzhou, China, kung saan ay isinugod sa emergency room matapos biglang mawalan ng pakiramdam at kakayahang igalaw ang kanyang mga binti noong nakaraang July 30.
Lumalabas umano na bago pa man ang insidente, nakararanas na siya ng pamamanhid sa kanyang leeg, braso, at binti.
Ayon sa mga doktor, ang sanhi ng kanyang pagkaparalisa ay isang malaking blood clot sa kanyang cervical spine na umipit sa kanyang spinal cord. Ang pamumuo ng dugo ay resulta ng palagiang pagyuko ng kanyang ulo sa loob ng mahabang panahon.
Ngunit naging mas malala ito dahil sa kanyang summer job bilang dishwasher at sa kanyang libangan na paglalaro ng mobile games at paggamit ng social media sa kanyang cell phone.
Dahil dito, agad na isinailalim si Xiao Dong sa isang emergency surgery upang alisin ang blood clot at maiwasan ang permanenteng pagkaparalisa.
Sa kasalukuyan, unti-unti nang bumabalik ang kontrol niya sa kanyang mga binti at inaasahang gagaling nang tuluyan.
Nagbabala naman ang mga medical expert na ang palagiang pagyuko ng ulo ay maaaring magdulot ng problema sa sirkulasyon ng dugo, na nagreresulta sa pamamanhid, pagkahilo, at matagalang pagkapagod.