Dagupan City – Nagbigti ang isang 19 anyos na estudyante sa isang abandonadong bahay sa Purok Capia sa Barangay Domanpot sa bayan ng Asingan matapos mapagalitan dahil sa paglabas sa kalsada ng walang suot na facemask at nakikipag-umpukan sa kaniyang mga barkada.

Ayon kay Pol.Lt Goerge Banayos Jr, Deputy Chief of Police ng Asingan PNP, nagpakamatay ang dalagita gamit ang pulang nylon cord na nakasabit sa abandonadong bahay na malapit sa kanilang bahay.

Batay sa salaysay ng ama at tiyahin ng biktima, umuwi ito sa kanilang bahay na masama ang loob at nagwala. Pinagtatapon nito ang ilang gamit sa bahay at sinira ang kawayan na kama. Nakita na lamang ito nang kaniyang ama sa abandonadong bahay na nakabitin at wala ng buhay.

Hindi naman lubos akalain ng ama ng 19 anyos na dalagita na gagawin nito ang magpakamatay.

--Ads--

Pagbubunyag naman ng tiyahin ng biktima na galit na galit umano ang dalagita dahil palaging napapagalitan kung kayat marahil ito ang dahilan kung bakit ito nagpakamatay.

Base na rin umano sa kaniyang obserbasyon na pinatutuhanan naman ng ama ng biktima na minsan din umano ay bugnutin at moody ang dalaga.

Wala namang nakikitang foul play sa nangyaring insidente.

Giit naman ni Banayos na maganda ang intensiyon ng mga magulang dahil pinagsasabihan ang dalaga na magface-mask at huwag lumabas dahil sa nararanasang pandemiya pero dinamdam ito ng biktima.

Nabatid na ito ang unang kaso ng pagpapakamatay na naitala sa bayan ng Asingan ngayong taon.