Naglabas ang Las Piñas Regional Trial Court (RTC) ng warrant of arrest laban sa 18 dating bodyguard ni dating congressman Zaldy Co, na mas kilala sa bansag na “maleta boys.”

Inisyu ni Judge Kathryn Sabado ang warrant noong Martes. Ito ay kaugnay ng apat (4) na bilang ng perjury na kinakaharap ng bawat isa.

Nagkakahalaga ng ₱18,000 ang piyansa sa bawat bilang ng kaso, kaya umaabot sa kabuuang ₱72,000 ang kailangang bayaran ng bawat indibidwal para sa pansamantalang kalayaan.

--Ads--

Labing-apat (14) na lamang sa mga dating bodyguard ang kinakatawan ng kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod matapos mag-recant o bawiin ng apat na iba pa ang kanilang naunang salaysay.

Nagtungo naman ang kampo ng 14 na akusado sa korte upang maglagak ng piyansa. Ang mga hindi makakahabol sa deadline ng pagbabayad ay nakatakdang arestuhin ng Las Piñas PNP.

Nag-ugat ang mga kaso nang i-ugnay ng mga dating bodyguard ang ilang opisyal ng gobyerno sa flood control anomaly, kung saan naghatid diumano sila ng mga maleta na naglalaman ng pera bilang kickback.

Itinanggi naman ng mga opisyal ang paratang at gumanti ng kontra-demanda. Ang mga arrest warrant ay nagmula sa mga reklamong inihain nina House lawmaker Leila de Lima, dating senador Antonio Trillanes IV, dating National Security Adviser Eduardo Año, at BuCor Chief Gregorio Catapang Jr.

Bukod sa perjury sa Las Piñas, ang grupo, kasama ang kanilang abogado, ay nahaharap din sa anim (6) na bilang ng cyber libel sa iba pang korte sa Metro Manila dahil sa pagpapakalat ng kanilang mga paratang sa social media at mga press conference.