DAGUPAN CITY- Pinalawak ngayong taon ng Pangasinan Tourism Office ang Parol-Making Competition matapos itong buksan sa lahat ng lokal na pamahalaan sa lalawigan.
Ayon kay Vienna Grace Carpena, Project Development Officer II Pangasinan Tourism Office, at Provincil Tourism and Cultural Affairs Office, labingwalong LGUs ang lumahok sa patimpalak, na layuning itampok ang pagkakakilanlan, produkto, at mga pangunahing tourist attractions ng bawat bayan at lungsod.
Naitakda ang pagsusumite ng entries noong Disyembre 9, at agad itong isinailalim sa judging kinabukasan.
Nakapaskil na ngayon ang lahat ng parol creations, at handa na rin ang mga resulta para sa awarding na gaganapin sa Christmas Lighting Ceremony bukas, 5:00 p.m., sa Capitol Plaza.
May nakalaang cash prizes para sa mga nangungunang kalahok: Php 60,000 para sa grand winner, Php 40,000 para sa first runner-up, at Php 30,000 para sa second runner-up.
Hindi naman uuwing luhaan ang iba pang kalahok dahil makatatanggap sila ng consolation prize na Php 15,000 bawat isa.
Bukod sa kanilang parol entry, inatasan ang bawat LGU na magsumite ng 3–5 minutong video na naglalahad ng proseso ng paggawa, inspirasyon sa disenyo, at kuwento sa likod ng kanilang likha.
Itinampok din sa mga video ang kani-kanilang “One Town, One Product,” gayundin ang mga ipinagmamalaking tourist destinations bilang bahagi ng pagpapakilala ng lokal na identidad ng bawat lugar.
Kabilang sa 18 lumahok na LGUs ang Agno, Aguilar, Alaminos City, Anda, Bani, Bautista, Pinalonan, Binmaley, Bugallon, Burgos, Labrador, Lingayen, Manaoag, Mangatarem, Rosales, San Quintin, Santo Tomas, at San Carlos City.
Naging maayos at mabilis umano ang koordinasyon dahil sa aktibong ugnayan sa pagitan ng Pangasinan Tourism Office at ng Pangasinan Tourism Officers Association, na nagsilbing tulay para sa pagpapalaganap ng impormasyon at gabay sa patimpalak.
Inaanyayahan ang publiko na bisitahin ang Capitol Complex upang masilayan ang makukulay at malikhaing parol na kumakatawan sa kultura at kasiglahan ng bawat LGU.
Inaanyayahan din ang lahat na dumalo sa Christmas Lighting Ceremony kung saan inaasahang tampok ang isang oras na programa at isang engrandeng fireworks display bilang pagtatapos ng selebrasyon.










