Arestado ang suspek na kinilalang si Leonardo Angeles Kalinasan, 18-anyos, residente ng Sta. Barbara, matapos nitong pinagpapalo ang biktima na kinilalang si Rogelio Suarez Jose, 54-anyos, at residente ng parehong bayan, sa kanyang ulo at iba’t iba pang parte ng kanyang katawan.


Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt. Col. James Patrick Calibuso, ang siyang tumatayong Chief of Police ng Sta. Barbara PNP at nanguna sa pag-aresto sa naturang suspek, sinabi nito na lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na nag-iinuman ang biktima at suspek nang nagkaroon ang dalawa ng hindi pagkakaunawaan na nauwi sa nasabing krimen.


Binigyang-diin pa nito na bagamat hindi pa nagsasalita ang suspek patungkol sa kung anong napag-usapan nila bago ang krimen, ay dala na rin ng sobrang kalasingan kung bakit nagawa ng suspek ang pananakit sa biktima. Wala namang nakikita ang kapulisan na alitan sa pagitan ng dalawa bago ang insidente.

--Ads--


Naisugod naman ang biktima sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City, at kaagad din naman itong nakauwi matapos magamot ang mga tinamo nitong sugat. Kasalukuyan namang nagpapagaling ang biktima sa kanilang tahanan.

Bagamat hindi narekober ang ginamit ng suspek sa panghahampas sa biktima, tinataya naman ng kapulisan na gumamit ito kahoy sa nasabing krimen base na rin sa mga sugat sa katawan ng biktima.


Kaugnay nito ay nakuhanan na rin ng pulisya ng affidavit ang biktima at naipasa na rin nila ito sa Prosecutor’s Office, habang ang suspek naman ay haharap sa kasong Frustrated Homicide at Trespass to Dwelling.


Panawagan naman ng kapulisan sa lahat na bawasan ang pag-inom ng alak o paglalasing ng sobra nang sa gayon ay maiwasan ang mga ganitong problema o krimen.