DAGUPAN, CITY— Higit 1700 kilograms ng bangus mula sa Bulacan ang kinumpiska ng mga otoridad ng Dagupan City nang tangkaing ipasok ang mga isda sa mga pamilihan ng lungsod upang ibenta.

Ang mga bangus ay ibinagsak sa Sitio Calamiong sa Barangay Bonuan Gueset upang hindi masita ng mga enforcers ng City agriculture office (CAO) at market marshals at balak itong isakay sa mga bangka upang dalhin sa Magsaysay Fish Market at palabasing galing ang mga ito sa fish ponds ng Dagupan.

Ayon kay Vladimir Mata, ang City Administrator sa naturang lungsod, napag-alaman umano na walang kaukulang mga papeles ang pinanggalingan ng naturang produkto gaya na lamang ng auxilary invoice at local transport permit lalo na’t ito ay galing sa labas ng Rehiyong uno.

--Ads--

Ang mga bangus na nagkakahalaga ng P171,000, ay nakumpiska mula kay Fernando Salamat, na unang nagpakilala bilang Ricky Martin, 39, isang fish dealer ng Little Chesril General Merchandise na pag-aari ni Larry Perez ng Purok II, Barangay Sta. Cruz, Hagonoy, Bulacan.

Ang mga nakumpiskang bangus ay agad ipinamahagi sa Dagupan City Jail—Bureau of Jail Management and Penology, Abong na Panangaro, at sa Drug Treatment and Rehabilitation Center. (with reports from: Bombo Adrianne Suarez)