DAGUPAN CITY-Ginawaran ng Balangay Seal of Excellence Awards ang 17 munisipalidad sa buong rehiyon uno.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mariepe De Guzman, Public Information Officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1, 7 munisipalidad ang ginawaran sa lalawigan ng Pangasinan, 6 sa La Union at 4 naman sa Ilocos Norte.

Sa bahagi ng Pangasinan, ito ay ang bayan ng Agno, Asingan, Balungao, Bautista, Bolinao, Binalonan, at San Fabian.

--Ads--

Ibinahagi pa ni De Guzman na umabot na sa 1,197 mga barangay ang drug-cleared sa lalawigan at 92 ang drug-free o ang mga barangay na simula’t sapul ay walang presensya ng illegal na droga.

At sa kasalukuyan ay nas 75 na mga barangay na lamang ang hindi pa naitatalang drug-cleared.

Habang sa La Union ay may 81 na mga barangay na ang malinis sa droga, 556 naman sa Ilocos Sur, at 476 sa Ilocos Norte.

Aniya, ang mga bayan na ginawaran nito ay nangangahulugang drug cleared na o wala nang mga kaso na kinauugnayan sa illegal na droga.

Samantala, nabanggit ni De Guzman na kapag muling nakapagtala ng kaso ng illegal na droga ang isang bayan, kinakailangan mabigyan ng interbensyon ang nasangkot na indibidwal sa loob ng 1 taon.

Ipapasok naman sa Balay Silangan o Reformation Facility ang mahuhuling drug pusher.

Aniya, ang mga reformist na pumasok sa interbensyon o balay silangan ay mabibigyan ng pagkakataon na magbago ang buhay nito.

Dahil maliban sa magiging malinis mula sa illegal na droga, mabibigyan pa sila ng pagkakataon na tanggapin ng Local Government Unit (LGU) upang magtrabaho.

Dagdag pa niya, ang tanging malaking hamon sa mga hindi pa drug-cleared ay ang kakulangan sa balay silangan.

Gayunpaman, ani De Guzman na maaaring makipagtulungan ang isang bayan na may kakulangan nito sa mga bayan na may naturang pasilidad.