Dagupan City – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Dagupan na umabot na sa 16 na barangay sa kabuuang 31 ang kanilang binisita mula noong simulan ang mga sorpresang pagdalaw sa lahat ng Materials Recovery Facility (MRF) ng lungsod.

Layunin ng mga pagbisitang ito na masubaybayan ang problema sa basura sa lungsod.

Ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, hindi nila ibinabahagi ang mga destinasyon ng kanilang pagbisita upang tiyakin na laging handa at nasa maayos na kondisyon ang bawat MRF.

--Ads--

Inilarawan din ni Mayor Fernandez ang mga barangay bilang mga anak na kailangang suportahan ng lungsod, lalo na ang mga nangangailangan ng gabay para sa tamang pagbabasura para hindi mapabayaan.

Binanggit niya na nagbibigay ang lungsod ng mga garong na magagamit para sa pangongolekta ng basura sa bawat tahanan sa Barangay.

Sa harapan ng garong may mga nakalagay na iskedyul ng pagkukuha ng basura na inilatag ng Waste Management Division.

Dagdag pa niya na kinikilala ng lokal na pamahalaan ang pagkukulang ng pondo ng mga barangay.

Kaya naman kailangan ng mga ito ng suporta para maging epektibo ang paghihiwalay ng mga basura.

Sa bahagi naman ng pagkolekta, sinabi ni Mayor Fernandez na mayroong pitong trak na umiikot ayon sa itinakdang iskedyul.

May kanya-kanyang araw para sa plastik, bote, nabubulok na basura, malalaking basura, at karton.

Idinugtong pa ng alkalde na mayroon silang sistema ng pagraranggo para sa mga barangay, kung saan nahahati ang mga ito sa tatlong antas ng pagpapatupad mula sa mga nangunguna hanggang sa mga nangangailangan pa ng dagdag na suporta.

Karamihan na sa mga nabisita nilang barangay ay kabilang sa mga nangunguna o nasa “Top 1” na antas para sa maayos na pagtugon sa problema ng basura sa lungsod.