Nasamsam ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 170 libong piso sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Alaminos City, Pangasinan nitong Agosto 31. Isinagawa ang operasyon bandang alas-1:30 ng hapon matapos maglabas ang korte ng search warrant laban sa isang hinihinalang high-value individual sa Barangay Amandiego.
Ayon kay Pat Mark Anthony Fransisco, Invest Police Non-Commissioned Officer ng PDEG Pangasinan, 15 heat-sealed plastic sachet na naglalaman umano ng hinihinalang ilegal na droga ang nakuha sa operasyon. Ang suspek na kilala sa alyas na Tatang ay residente ng naturang barangay at kabilang umano sa listahan ng PDEA Region 1 ng mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga sa Pangasinan.
Nasa kustodiya ngayon ng Alaminos City Police Station ang suspek at posibleng maharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ayon sa pulisya, matagal nang minamanmanan ang suspek at may mga nakitang ugnayan umano ito sa mga personalidad sa kalapit na mga bayan na sinasabing kasama sa operasyon ng bentahan ng ilegal na droga, kabilang ang paggamit ng online platforms.
Patuloy namang paiigtingin ng mga awtoridad ang mga operasyon laban sa ilegal na droga at iba pang kriminalidad sa lalawigan. Hinikayat din ang publiko na makipag-ugnayan sa mga awtoridad at magsumbong sa mga kahina-hinalang aktibidad upang makatulong sa kampanya laban sa ilegal na droga.










