Ligtas at nakauwi na sa bayan ng Infanta ang 15 mangingisda na sakay ng tumaob na motorbanca na, F/B Aqua Princess makaraang masagip sila ng mga tauhan ng M/V Kumano Maru, isang Panamanian cargo vessel, may 75 nautical miles sa kanluran ng Agno, Pangasinan.
Ayon sa nakuhang impormayon ng Bombo Radyo Dagupan, natiyempuhan umano ng mga tauhan ng M/V Kumanu Maru ang mga mangingisda na nakakapit pa sa kanilang tumaob na bangka kahit hinang-hina na.
Inilipat ang mga ito sa barko ng PCG na BRP Malapascua sa Quinawan, Bagac, Bataan.
Agad silang binigyan ng pagkain at medikal na atensyon ng PCG bago inihatid pabalik sa kanilang bayan sa Infanta.
Matatandaan na pumalaot ang F/B Aqua Princess sakay ang 15 katao kabilang ang kapitan na si Eddy Ariño noong Oktubre 2 ngunit matapos ang limang araw sa laot ay naka enkuwentro nila ang malalaking alon dahil sa masungit panahon.
Inatasan ng kapitan ng barko ang dalawa sa mga mangingisda na sina Pedro Manalo at Jerby Regala na sumakay sa kanilang service boat para humingi ng saklolo pero matapos ang tatlong araw ay saka pa lamang nakarating ang dalawa sa istasyon ng PCG sa Infanta nitong Oktubre 11.
Nang makarating ang impormasyon sa PCG ay agad na naglunsad sila ng “search and rescue operation” at nagpalabas din ng “notice” sa mga sasakyang pandagat ukol sa lumubog na bangka para mailigtas ang mga sakay nito.